Wednesday, September 14, 2005

P20 milyon ni Antonio Diaz

P20 milyon ni Antonio Diaz

Ellen Tordesillas, Abante Online

 
Ayan, lumalabas na ang mga tseke na ibinayad sa mga kongresista na bumoto ng "yes" para patayin ang impeachment complaint laban kay Gloria Arroyo na nangyari nga noong isang linggo. 


Sa report ni Yvonne Chua ng Philippine Center for Investigative Journalism, nabuking si Rep. Antonio M. Diaz na tumanggap ng P20 milyon galing sa President's Social Fund. Limang tseke na tig-P5 milyon. Ang isa ay may date na Aug. 21, 2005 (Linggo), ang pangalawa ay September 3, 2005 and pangatlo ay Dec. 3, 2005 at ang pang-apat ay March 3, 2005.


Para hindi masyadong garapal, idinaan ng Malacañang ang mga tseke sa Department of Education para raw sa GMA-Diaz scholarship fund sa high school.


Nakakaduda talaga. Libre ang high school sa public. Bakit ka magbigay ng scholarship fund. Isa pa, bakit ka magbibigay ng scholarship fund ngayong Setyembre, hindi naman pasukan.
Nabuking si Diaz dahil sumulat siya sa DepEd at gusto niyang ipaderetso ang tseke roon sa Zambales division school. Siyempre mas madali na n'yang kubrahin doon. Hindi pumayag ang DepEd dahil wala naman silang pera para roon at ngayon lamang sila nakakita ng post-dated checks ng gobyerno. Hindi dapat mag-isyu ang pamahalaan ng tseke kung walang pondo. Lumalabas na kinukulang na nga ng pera ang pamahalaan.


Maalaala natin si Diaz na naging kontrobersyal ng inakusahan siya ni Hotbabes Anna Leah Javier na nagkainteres sa kanya at ng tumanggi siya ay hindi siya binayaran ng dapat ibayad sa kanyang performance sa Zambales.


Sabi ng iba, bibigyan kaya ni Diaz si Anna Leah at ang kanyang mga kasamahan sa Hotbabes ng scholarship?
Noong isang Linggo, lumabas sa diyaryong Malaya na idineposito ni Rep. Eulogio Magsaysay ang kanyang P5 milyon noong third week of August sa Bank of Commerce. Si Magsaysay ay siyang bumawi ng kanyang signature sa impeachment complaint noong Aug. 22. Si Diaz at si Magsaysay ay magpinsan.


May isa pang Magsaysay na bumoto ng "yes" -- si Rep. Mitos Magsaysay, asawa ni Zambales governor Vicente Magsaysay na pinsan din nina Antonio Diaz at Eulogio Magsaysay. Mga pamangkin sila ng yumaong presidente, Ramon Magsaysay.
Ibinulgar ni Gordon na nangako si Gloria Arroyo kina Magsaysay na alisin ang Executive Order 506 na nagbabawal magpasok ng second car tax free sa Subic Bay Metropolitan Authority dahil 'yun ang negosyo nina Magsaysay.


Malaking pinsala sa ekonomiya ang mangyayari kung alisin ang EO 506 dahil dadagsa sa Pilipinas ang smuggled second cars. Mamamatay ang mga kumpanya ng kotse sa Pilipinas at lalong walang makukulekta na buwis.


Sobra P3 bilyon (P20 milyon x 158) na pera ng taumbayan na gamit para mapatay ang impeachment complaint. Maliban doon, bilyun-bilyon pa ang mawawala sa bayan sa mga pabor na ipinamigay ni Arroyo para lamang mapagtakpan ang katotohanan na hindi siya nandaya noong 2004 elections.
Ibinenta na ni Arroyo ang kanyang kaluluwa. Ang nakakalungkot ay dinadamay niya ang bayan

No comments: