Wednesday, February 08, 2006

EDITORYAL - Maraming walang trabaho

Ang Pilipino STAR Ngayon

AYON sa National Statistics Office (NSO) tinatayang nasa 2.6 milyong Pinoy ang walang trabaho. At patuloy na lumalaki ang bilang sapagkat araw-araw ay marami ang nawawalan ng trabaho. Ayon sa Katipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) tinatayang 350 katao ang naile-laid off sa kanilang trabaho araw-araw. Kaya ang tantiya ng Kadamay, hindi lamang 2.6 ang walang trabaho ngayon kundi 4.8 million. Pinagbatayan ng Kadamay ang pag-aaral na sinagawa ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research.

Maaaring may katotohanan ang sinabi ng Kadamay na baka umabot sa 4.8 million ang walang trabaho. Isang magandang halimbawa na maraming walang trabaho sa kasalukuyan ay ang pagdagsa ng mga tao para sumali sa mga game shows sa telebisyon. Maraming pumipila sa mga programang may game portion kung saan malalaking pera ang maaaring panalunan. Dahil sa kawalan ng trabaho marami ang nakikipagsapalaran sa mga game of chance. Baka nga naman makatsamba. Baka nga naman makasuwerte.

Bukod sa maraming walang trabaho, marami rin ang walang sariling bahay at lupa. Kaya naman kapag ang papremyo ay milyong piso at may kasama pang bahay at lupa, marami ang humahangos para pumila. Hindi na nila iniintindi kung mainit ang panahon o bumabagyo, ang gusto nila’y makasali sa game show at baka palaring manalo. Kapag nanalo, tapos na ang kanilang paghihirap at maliligtasan na ang kalbaryo.

Ang katotohanan ay nakita nang dumagsa ang libong tao sa ULTRA noong Sabado para makasali sa game show ng Wowowee. Tiyak na marami sa mga dumagsa roon ang walang trabaho o kung mayroon man nagbabakasali pa ring makatsamba. Hindi napigilan ang mga taong nagnanais na makasali sa game show. Sino ba naman ang hindi maglalaway sa P1 milyon, house and lot, passenger jeepney at marami pang iba.

Nagiba ang harang na bakal dahil sa bigat nang magtulakan ang mga taong gustong makapasok sa loob at makakuha ng tiket. Dahil palusong, marami ang natumba at nagsimula na ang trahedya. Nang matapos ang kaguluhan, nakalatag na ang mga bangkay. Naging kalunus-lunos ang iyakan.

Marami ang nagsabi na kaya sila naroon ay nagbabakasakaling manalo sapagkat wala silang trabaho at bahay. May nagsabing hirap na hirap sila sa buhay at umaasang mananalo sa gameshow.

2 comments:

Unknown said...

nakakalungkot naman pero try nyo online jobs pls visit http://unemployedpinoys.com/ for more info

Lovely Rezelle said...

Unemployed pinoys is a home-based online job, a good source to earn money while being in comfort at your own time at home. For more info kindly visit: http://www.unemployedpinoys.com