Thursday, December 28, 2006

Mga bawal na paputok tinukoy ng PNP

Tinukoy kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang mga ipinagbabawal na paputok na nakamamatay at nakapipinsala ng mga ari-arian.

Ito’y matapos na maalarma ang PNP sa report ng Department of Health (DOH) na umaabot na sa 126 ang naging biktima ng paputok na halos dumoble kumpara noong 2005 na aabot lamang sa 64 biktima.

Sa 126 biktima, isa na ang namatay dahil sa watusi at 8 naman ang may tama ng ligaw na bala habang ang iba ay sanhi ng firecrackers at pyrothecnics.

Kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok ang pla-pla, trianggulo, atomic triangle, judas belt, super lolo, bawang, baby rocket, kwitis, trompillo at mga paputok na sobra sa 2 gramo ang lamang powder dahil malakas at lubhang mapaminsala.

Ipinaliwanag naman ni PNP-FED Director Chief Supt. Florecio Caccam na mahina man o malakas ang paputok kung hindi tama ang paghawak ay mapanganib.

At para maiwasan ang aksidente ay makabubuting gumamit na lamang ng torotot sa Bagong Taon. (Joy Cantos - Ang Pilipino STAR Ngayon )

No comments: