Thursday, May 19, 2005

DepEd, nagbabala vs. misc fees

Hindi sapilitan ang pagbabayad ng miscellaneous fees sa mga pampublikong paaralan, ito ang mariing paalala ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa kanilang nasasakupan.

Ito ay makaraang makatanggap ng mga ulat na tinatanggihang makapag-enroll ang ilang estudyante kung hindi sila makakabayad ng mga singilin sa eskwela.

Kabilang sa mga nagreklamo ang ilang magulang ng Batasan Hills High School.

Batay sa ipinadalang sulat sa kapamilyang si Ted Failon, nakasaad na P200 ang sinisingil sa mga bata.

Magiging pabigat daw ito sa mga magulang.

Umalma rin ang mga magulang sa hindi pagbibigay ng resibo ng pamunuan ng paaralan.

Hindi na nakunan ng pahayag ang mga lumagda sa reklamo dahil hindi na raw sila ang mga opisyal ng parents-teachers association.

Itinanggi naman ng eskwelahan ang mga paratang.

Pero ayon sa third year student na si Joanne Belgida, tinanggihan siyang makapagpalista dahil hindi niya nabayaran ang miscellaneous fee.

Tinanggap lang ang kanyang papel nang dumating ang ABS-CBN news team.

Bukod sa verbal order, ilalabas daw ng DepEd ang memorandum tungkol sa miscellaneous fees bago matapos ang linggo.

Paiimbestigahan din ng DepEd ang umano'y sapilitang paniningil ng miscellaneous fees sa Batasan Hills High School.

No comments: