Friday, July 21, 2006

Sapnu: Mga PD at CD, malapit nang ma-relieve?

By Ric Sapnu
Dateline Olivas - Sun Star

MARAMING mga provincial at city police director ang malapit nang ma-relieve sa kanilang puwesto.

Ayon sa Intelligence Officer (IO) ng Dateline, ilan sa mga provincial director na ito ay malapit ng matapos ang kanilang dalawang taong “tour of duty.”

At dahil malapit na matapos ang kanilang “tour of duty”, sila’y papalitan na rin ng mga bagong Police Senior Superintendent, ayon sa IO.

Ang mga police provincial director na malapit ng ma-relieve sa kanilang puwesto ay kinabibilangan nina Sr. Supt. Leonardo “Dindo” Espina, ng Pampanga Provincial Police, Sr. Supt. Alex Paul Monteagudo ng Nueva Ecija Police, at si Sr. Supt. Benedict Michael Fokno ng Bulacan Provincial Police.

Sina Espina at Monteagudo ay naupo noong Setyembre 2004 samantalang si Fokno ay noong Nobyembre 2004. Silang tatlo umano ang unang mare-relieve sa kanilang puwesto, ayon sa IO.

Ang mga provincial director na naupo naman noong 2005 ay kinabibilangan nina Sr. Supt. Hernando Zafra ng Bataan Provincial Police, Sr. Supt. Teodoro Saclolo ng Aurora Police, Sr. Supt. Nicanor Bartolome ng Tarlac Police at Angeles City Police Director Sr. Supt. Policarpio Segubre.

Sina Sr. Supt. Arrazad Subong, Zambales Provincial police director at Sr. Supt. Angelito “Gil” Pacia ng Olongapo Police ay kapwa malayo pang maapektuhan sa kanilang mga puwesto. Si Subong ay kauupo lang noong Abril 6, 2006, samantalang si Pacia ay noong Mayo 29, 2006.

Sang-ayon sa IO, maraming mga Senior Supt. ang naglalakad sa mga provincial police na mababakante nitong Setyembre. Mayroon na diyan na naghahanap na malapitan na malakas at malapit sa mga gobernador ng tatlong naturang lalawigan. Bukod sa paglapit sa mga gobernador, mayroong mga “aspiring candidate” sa Pampanga, Nueva Ecija at Bulacan provincial police, ang “naglalakad” na rin sa Camp Crame.

At ang pinamalakas na puwedeng tumulong sa pag-upo sa mga provincial police ay ang Malacanang. Alam naman natin kapag inaprubahan ka ng Malacanang ay tiyak na ang iyong pag-upo.

Sang-ayon sa IO, kahit na malayo pang matapos ang “two-year tour of duty” ni Sr. Supt. Segubre ay malapit na rin itong maapektuhan sa kanyang puwesto sa maraming kadahilanan.

Ito ang ibinulong ng isang police officer sa inyong lingkod nitong nakaraang linggo na kung saan posible na umanong maapektuhan sa “revamp” si Segubre kahit na matagal pa raw matapos ang kanyang “tour of duty.”

Sabi ko naman sa police officer, ang alam ko, mare-relieve si Segubre dahil sa Setyembre ay magreretiro na ito sa serbisyo.

Sang-ayon sa IO, bukod sa malapit ng matapos sina Espina, Fokno at Monteagudo sa kanilang “two-year of duty,” maaari din ma-relieve ang ibang provincial police director kung hindi maganda ang kanilang “accomplishment at depende din sa Police Regional Office-3 (PRO3) director, Chief Supt. Ismael Rafanan. Yun ay kung papasa sila sa “standard” na ipinatutupad nito.

Sundan sa susunod ng kolum ang mga kandidato sa mga nabanggit na provincial at city police offices.

*****

Dahil sa robbery/holdup, hijacking at shooting incidents sa Central Luzon na pawang kinasasangkutan ng mga saksakyan na walang mga plate number, ipinatutupad ang mahigpit na monitoring at pagtatayo ng mga checkpoint sa mga kahabaan ng national highway sa rehiyon ni Chief Supt. Ismael Rafanan, PRO3 director.

Kamakailan, isang pagpupulong ang ginanap sa Conference Room sa Camp Olivas na kung saan pinulong lahat ni Rafanan ang mga provincial at city police chief upang higpitan ng mga ito ang pagmonitor sa mga behikulo na walang plate number. Ang dahilan ni Rafanan ay karamihan sa mga sangkot sa krimen at maging sa highway robbery-holdup ay nakasakay sa mga behikulong walang plaka.

Maging ang mga motorsiklo na walang plaka ay pinasisita rin ni Rafanan dahil maraming krimen na gamit ang mga motorsiklo.

Pinagagawan ng report ng PRO3 ang lahat ng mga provincial at city police offices ng mga nasita at na-impound na mga behikulo walang plate number.

Sa paunang report, nangunguna ang Pampanga Police sa kanilang “accomplishment” sa No Plate No Travel Policy.”

Sa Pampanga, ilang araw ng nakikita ng Dateline, ang tinayong checkpoint ng City of San Fernando sa ilalim ng tulay ng “fly-over” sa Dolores Intersection. At doon marami ng sinita ang mga pulis na mga motorsiklo, at mga ilang behikulo, na walang plaka.

No comments: