Saturday, July 08, 2006

Smith tinukoy ni 'Nicole': Pumatong s'ya...hinalikan nya 'ko

Michelle Arroyo ABANTE

Matapang na hinarap ng 22-anyos na Subic rape case complainant na si ‘Nicole’ ang pinakahihintay na unang araw ng pagsalang nito kahapon sa witness stand at idinetalye ang naging mapait na bakasyon sa Subic Bay, Pampanga noong nakalipas na taon kung saan mangiyak-ngiyak nitong tinukoy ang akusadong si U.S. Navy Lance Corporal Daniel Smith na siya umanong gumahasa sa kanya noong gabi ng Nobyembre 1, 2005.

"Naalala ko na lang na may nakapatong na po sa akin, nakahiga na po ako at na-feel ko ‘yung weight niya. Hinalikan niya po ako," ang nanginginig na boses ni Nicole kasunod ang pagtukoy na si Smith ito, na kanyang kinumpirma sa pamamagitan ng paglalarawan ng hitsura nito at ito’y nasa loob ng courtroom. Si Smith ay nakasuot ng black suit at puting undershirt kahapon sa hearing.

Matatandaang nauna nang inamin ni Smith na nagkaroon ito ng sexual relationship kay Nicole noong gabing iyon subalit pinanindigang ito’y isang consensual sex o ginusto ni Nicole at mapatutunayan pa umano ito ng tatlong kabaro na sina Staff Sgt. Chad Carpentier, L/Cpls. Keith Silkwood at Dominic Duplantis.

Bagama’t naging madalas ang pagpapatahan kay Nicole ng kanyang ina at psychiatrist sa loob sa sa tuwing iiyak sa pagkukwento, kinaya pa rin ni Nicole ang tatlong oras na direct examination sa kanya ng kanyang abogadang si Atty. Evalyn Ursua na mahinahon at naging organisado naman sa pagbato ng mga katanungan kabilang ang ilang personal information kay Nicole.

Pagturo kay Smith kinontra

Hindi nagawang pisikal na ituro ni Nicole si Smith sa courtroom nang atasan ito ni Atty. Ursua na tukuyin ang sinasabing lalaking pumatong at nagsamantala sa kanya dahil agad na kinontra ito ng defense panel sa dahilang ‘identified’ na o kilala naman na anila ng mga taong nasa loob ng court kung sino ang tinutukoy ni Nicole dahil sa paglalarawan ng physical image ni Smith.

Dahil dito’y sinabi ni Ursua na sa ginawang ito ng depensa ay tila umamin na rin mismo ang mga ito na si Smith nga ang lalaking inaakusahan ni Nicole at marahil ay ayaw lamang aniya nilang mapahiya ang kanilang kliyente sa courtroom.

Kinuwestiyon naman ng depensa ang kredibilidad ni Nicole sa puntong iyon dahil ni wala umano itong emosyon o patak ng luha nang aktuwal na ilarawan si Smith. Kinontra naman ito ni Ursua nang sabihing mangilang beses na aniyang nag-’broke down’ si Nicole at pinaghandaan na ito ng kanyang kliyente.

Tila naging manhid naman o hindi na nagpakita ng pagkairita o kakaibang reaksyon ang mga akusado maliban kay Smith na panay ang inom ng softdrink sa tuwing matatapos na banggitin ang pangalan nito ni Nicole.

Hagulgol sa korte

Umabot naman sa punto na humagulgol si Nicole nang isalaysay ang ‘first encounter’ o meeting nila ni Smith at ito’y nang pilit umanong hilahin ni Smith ang kanyang kamay sa Neptune bar dance floor habang nagsasayaw ito at ang kapatid na si Annaliza at family-friend na si US Navy Christopher Mills.

"Tiningnan ko ng masama noon si Mills dahil natatakot ako na may gustong sumayaw sa akin na hindi ko kilala pero sinabi ni Mills na ‘It’s Ok, go on, enjoy’," dagdag pa ni Nicole.

Dahil sa matindi na umano ang pagkahilo ni Nicole noong mga oras na iyon sa dami ng nainom na hard liquors, hindi na umano nito halos narinig ang naging pag-uusap nila ni Smith na noo’y unang nagpakilala sa kanya sa hindi klarong pangalan na Gerald o Genard.

Blackout sa lasing

Sinabi pa ni Nicole na huli na lamang nitong natatandaan na nakakita pa ito ng isang I.D. subalit hindi klaro kung saan at kung kanino ito. Doon na umano nagsimula ang kanyang ‘blackout’ at sinabing nakita na lamang nitong may nakapatong na sa kanya.

Kinuwestiyon naman ng depensa ang anila’y memory gap na ito ni Nicole sapagkat isa umano itong crucial point o kritikal para sa prosekusyon para linawin.

Sinabi naman ni Ursua na normal na magkaroon ng ‘fragmented recall’ ang isang rape victim. Inaasahan naman ng psychiatrist ni Nicole na si Dr. Jun Lopez na mas mabigat pa ang pagbaha ng emosyon ni Nicole sa pagpapatuloy ng pagdinig ng kaso ngayong araw kung saan nakatakda nang isalaysay ni Nicole ang aktuwal na panggagahasa sa kanya sa loob ng Starex van.

No comments: