Tuesday, February 06, 2007

GIYERA LABAN SA RABIES, ISASAGAWA!

GIYERA LABAN SA RABIES, ISASAGAWA!


Isang buwan bago sumapit ang ‘’Rabies Awareness Month’’ sa buong bansa sa darating na buwan ng Marso ay patuloy pa rin na nagsasagawa ang Olongapo City Government ng mga sunod-sunod na Anti-Rabies Vaccination.

Sa pangunguna ng Office of the City Veterinarian sa pamamagitan ni Dr. Joseph Arnold Lopez ay mag-iikot ang tanggapan sa ibat-ibang barangay sa lungsod upang magbigay ng libreng bakuna sa mga alagaing hayop.

Sa programang free vaccination ni Mayor Bong Gordon ay kinakailangan lamang na iparehistro ang aso, pusa, unggoy at iba pang alagain sa nakatakdang schedule simula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali sa Barangay Hall.


BARANGAY DATE OF VACCINATION
Kalalake
February 14, 2007
Kababae
February 15, 2007
New Ilalim
February 21, 2007
East Tapinac
February 22-23, 2007
West Tapinac
February 28 to March 1, 2007
Old Cabalan
March 7 – 8, 2007


‘’Ang vaccination ay limitado lamang sa dalawampung (20) alagaing hayop sa bawat barangay na babakunahan kaya dapat samantalahin ito ng mga pet owners. Malaking katipiran rin ito dahil kung ikukumpara sa pribadong klinika ay aabot sa P250.00-P300.00 ang halaga ng isang bakuna samantalang sa Anti-Rabies Vaccination ng lungsod ay P30.00 ang kinakailangang bayaran para sa registration lamang,’’ wika ng City Veterinarian.

Samantala, higit pang pinag-igting ng lungsod ang City Ordinance no. 30, Series of 1998 (An ordinance Amending Section 3 of Ordinance no. 23 Series of 1995, as Amended, by Imposing Additional Penalty to owners of Stray Dogs and other Animals), na sa kaso ng kagat ng aso, ang may-ari ng hayop ay dapat na magbayad sa mga gastusin ng pagpapagamot at ang pagtanggi sa obligasyong ito ay may katapatang bayad na 3,000-5,000 piso at kulong na 5-10 araw.

Layon ng ordinansa na maging responsible ang bawat nagmamay-ari ng mga alagaing hayop upang maiwasan ang anumang insidente ng pagpapa-ospital o kamatayan bunga ng kagat ng mga pagala-galang hayop.

Olongapo City Public Affairs Office

No comments: